Saturday, December 6, 2008

Again.. from my blog in Multiply..
---------------------------------------------------------------------------------------------------

Posted by Matutay on Mar 17, '08

Isang mainit na tanghali. Isang impit na iyak ang maririnig mula sa mga labi ni Kokoy. Nakakuyom ang kanyang mga kamay sa isang walang dereksyong paglalakbay. Siya si Kokoy. Isang pinoy. Isang palaboy.

Pasong-paso ang kanyang mga paa sa init ng kalsada. Ang bawat dumi at alikabok ang nagsisilbing sapatos niya. Kumakalam ang sikmura at palinga-linga sa isang lugar na sumisigaw ng ga-amot na pagkalinga. Ibinuka niya ang kanyang kanang palad at napangiti ng mapait sabay tingin sa maliwanag na langit. Piso. Piso. Ga-patak na grasya mula kay San Pedro. Piso ang nilalaman ng kanyang palad. Piso na noon ay may masipag na kalabaw. Ang pisong may ulo ni Pepe na nakatagilid habang isang dasal ang kanyang inuusal. Gula-gulanit ang damit ng paso na katawan. Paso sa init, hinagpis at mga kasalanan. Ang dating mukhang anghel na kabataan, nabalot ng delubyo ang kabuhayan. Walang ina. Walang ama. Walang tahanan. ‘Yan si Kokoy, isang kabataang nag-iisa.

Habang binabaybay ang kalye, kanyang napansin ang isang grupo ng mga estudyante. Napahinto ang isang mamang naglalakad na maraming dalang supot. Pusturang-pustura at may mga nakasabit pang alahas sa leeg ng mama. Naglalakihan din mga singsing nito. Inisip tuloy ni Kokoy, “Sayang, walang kumuha.” Lumapit siya ng kaunti sabay hinto upang makinig. Nagtanong ang isang mag-aaral. “Survey lang po manong. Ito po ang I.D. namin. Mga college students po kami. Itatanong lang po namin kung ano sa palagay niyo ang dahilan kung bakit naghihirap ang mga Pilipino?” Bumuntong hininga ang mama at hinimas-himas muna ang kanyang baba bago sumagot, “Tamad kasi sila. Yung mga skwater diyan. Kaya skwater kasi tamad.” Umusal ng pasasalamat ang nagtanong sabay sulat at alis. Napako sa kinatatayuan si Kokoy. Naupo sa tapat ng Isetan saglit. Maya-maya ay tumayo narin siya at ipinagpatuloy ang paglalakad hanggang sa mapunta siya sa kalyeng puno ng mga unibersidad. Maingay ang kalye. Mausok. Hindi lamang usok ng mga sasakyan ang bumabalot kundi usok na nagmumula sa mga hithit bugang estudyante. Nakaputing polo ang mga lalaki. Mapoporma at amoy mayayaman. Ang mga kababaihan naman ay naghahabaan ang kuko at pawang mga naka-make up. Sa mga mata ni Kokoy, sila ay mga porma ng demonyo. Ang postura at ayos ng mga estudyanteng nasa kanyang harapan ay kaduwal-duwal. Hindi siya naniniwala na ang demonyo ay may buntot at sungay. Para sa kanya, ang demonyo ay ang krimen, polusyon at kahirapan na kanyang kinasasadlakan. Luminga siya ulit at nakita ang isang grupo na mga batang kalalakihan, sa tantiya niya ay magkakaedad lamang sila. “Pare, ‘pag nalaman ng nanay ko na nagka-cutting ako, patay ako.” Napangiti nanaman ng mapait si Kokoy at napailing-iling habang dumadako ang kanyang mga mata sa mga pedicab driver at nakakaloko na mag-isang tumawa. Tumawa siya ng tumawa. Malakas. Malakas na malakas hanggang siya ay maluha. Nang mahimasmasan, nabatid niyang lahat ng tao sa kanyang paligid ay pawang nakatingin sa kanya. Mababasa sa ekspresyon ng iba ang takot, sa iba ay pagtataka at sa iba naman ay pagkamangha. Naisip ni Kokoy, “Tangna, kung ang dahilan sa kahirapan ay katamaran, bakit kayong mga kabataang maykaya ay pacutting-cutting at payosi-yosi lang? Tapos yung mga mahihirap na kagaya ko eh halos hindi na matulog para lang makabili ng iuulam? Tangina pala eh, Sino bang mas walang alam sa buhay?”Umiling-iling muli si Kokoy na namamanhid na sa titig ng mga tao sa paligid niya.

Naisip niyang bumaling sa kabilang dereksyon. Malapit na siya sa bukana ng Mendiola nang magbago ang isip niya. Mas pinili niyang maglakad-lakad muna sa Quiapo. Ang Quiapo ay pangkaraniwan ng maingay at mabaho. Tumuloy siya sa Lacson underpass upang magtungo sa simbahan kung saan nakapaligid ang mga manghuhula na walang katuturan. Akalain mong sa paligid ng banal na simbahan ay may nagtitinda ng sari-saring nakaboteng ugat at dahon na ipinagsisigawang pampalaglag o pamparegla. Napabuntong hininga si Kokoy habang minamasdan ang simbahan. Naalala tuloy niya ang isang eksena noong siya’y nasa unang taon pa ng sekondarya. “Do you believe in God?”, sabi ng guro niya. Hindi siya agad nakasagot dahil iniisip niya kung ano ba ang dapat sabihin. Sa huli ay sumagot narin siya. “Yes sir. Naniniwala ako sa Diyos.” Uupo na sana siya nang sundan ng kanyang guro ang tanong na iyon. “What kind of God do you believe in?” Napaisip ulit siya hanggang sa unti-unting bumuka ang kanyang mga labi, “Sa Diyos na hindi nasusuhulan ng kandila at kung anu-anong alay Sir. Sa Diyos na alam kong hindi tayo pababayaan.” Biglang pumalakpak ang kanyang guro sa mga tinuran niya at tuwang-tuwa naman siya. Kinahapunan pag-uwi niya, naabutan niyang malamig at wala ng hininga ang amang at inang niya.

Pinahid ni Kokoy ng kanyang kaliwang palad ang mga luhang nagbabadya sa ilalim ng mga mata niya. Pinilit ang sariling palisin ang lungkot sa kanyang mga ala-ala. Tiningnan niyang muli ang piso sa palad niya. Ang idol ng marami na si Rizal ay tila kasakasama niya. “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.” Kasabihang nagtulak sa kanya upang maglakad pang muli kasakasama ang mga nagmumurang kalyo sa paa niya. Narating niya ang baywalk at napatingin sa dalawang batang nakahubo at nag-aaway para sa isang kapirasong tinapay. “Putang ina mo! Sinabing liitan mo lang yung kagat mo eh.” Sumagot naman ang isa, “Tanginamo rin! Walang murahan pakyu!”, sabay batok sa kapwa bata at tawa ng tawa. Napakislot si Kokoy ng pumururot ang tiyan niya. Ramdam na ramdam niya na ang panghihina ng tuhod dahil sa gutom at pagkapagod. Kasing tayog ng mga hotel doon ang mga pangarap niya ngunit ga-tuldok na tala ang nararamdaman niyang pag-asa. Napagpasyahan niyang umupo at samyuhin ang hanging nagmumula sa dagat. Pinanood niya ang pagaagaw ng liwanag at dilim na maihahambing sa pag-asang nais sanang sumungaw sa kanyang mga mata. Tinignan muli ni Kokoy ang piso sa palad niya. Pinakatitigan niya iyon ng matagal bago hinagis sa humuhikab at tila gutom na dagat. Naitanong niya tuloy sa langit, “Sa pamamaalam ng araw, ulirat ko rin kaya ay papanaw?”

0 comments: